Special Features


Nagsusumamong Boses

Liwanag, kinabukasan….O mga kapatid ko, dinggin ninyo ang aking munting tinig….

Ako ay isang batang nangangarap lamang. Isang musmos na nakatira sa kapaligirang kinalakihan na rin ng aking mga magulang. Dito namin nakikita ang lahat ng mga bagay na naging bahagi ng inyong mga buhay. At sa tuwing may bagong darating, napupuno ang aming mga puso ng kagalakan sapagkat kung wala kayo, wala ang pamilya ko, wala ako.

Ang aking pamilya’y salat sa yaman, kalusugan at kaalaman, ngunit nagisikap ang aking mg magulang upang may maipakain sa aming nagkakalam na sikmura. Naging palaruan ko na ang tambakan ng mga basura; nagsisilbing laruan naman namin ang aming napupulot na kayamanan ninyo dati; at mga kalaro ko naman ang ibang mga batang kagaya ko rin na hindi nabigyan ng magandang pagkakataon ng mundo. Sa halip na lapis at papel ang hawak ko, mga bolpeng walang ink at kahit anong bagay na masusulatan ang pinaglalaruan namin, nagkukunwaring kami’y nasa paaralan.

Sa katunayan, naiinggit ako sa mga batang mag-aaral na dumadaan sa aming palaruan. Kayganda ng kanilang mga uniporme at kay-talino nila tingnan. Ngunit, iba ang kanilang titig sa amin… na para bang kami’y pinagdidirian dahil sa mga hitsura namin at sa kapaligirang aming kinatatayuan.

Bahala na, sabi ko sa aking sarili. Balang araw,ay magiging katulad ko rin kayo, makakapag-aral din ako at matutulungan ko ang aking mga magulang. Balang araw, ako na ang bubuhay sa aking pamilya.

Isang araw, habang ako at ang aking mga kalaro ay naghahabulan sa palaruan, nagulat nalang kami na may lumapit sa aming isang anghel… isang anghel na nakapagpabago ng aming buhay.

Dahil sa kanya, natikman namin sa unang pagkakataon ang sinasabi nilang mataas na uri ng kayamanan. Sa isang maliit na gusali na meron lamang isang silid at katabi ng aming munting kapelyo, naibabahagi namin ang aming mga natutuhan sa bagong paraiso, ang aming paaralan.

Gamit lamang ang ginamitang mga papel bilang visual aids, mga ipinagkaloob na mga lumang libro, lapis at sulatang papel, naramdaman namin ang pagiging isang tunay na mag-aaral. Mula sa simpleng abakada, hanggang sa mahahabang pangungusap , natuto akong magbasa at sumulat. Nakakabilang na rin ako! Hindi lamang ‘yan ang aming natutunan, naibahagi rin sa amin ang pinakaimportanteng aralin – ang kagandahang asal at paglalapit-loob sa Poong Maykapal. Hindi namin ito magagawa lahat kung wala siya, ang anghel na ipinadala ng kalangitan, at ang aming nag-iisang guro na walang pagod at walang sawang naglalaan ng kanyang oras para kami’y turuan, kahit kulang - kulang ang ipinapasweldo sa kanya.

Ngunit bakit kaylupit yata ng panahon? Bakit may gustong bumawi sa paraisong iniingatan ang aming kayamanan? Bakit? Ayaw ba ng mga taong iyon na kami’y makatulong sa inyo pagdating ng panahon? Oo, hindi kilala ang aming lugar, pero maipagmamalaki namin na kahit ganito lang kami, nakita na namin ang tunay na kayamanan, ang edukasyon.

Ngayon, naghihirap ang ating bansa, tatanda rin ang mga nagtataguyod ng bayang ito at maipapasa na naman sa kamay ng susunod na henerasyon ang pagpapaunlad nito.. At kabilang na kami sa henerasyong iyon.

O dinggin ninyo ang aming daing…na sana naman huwag ninyong ipagkait ang pagkakataon na kami’y matuto…tulungan ninyo kami na maipanatili ang aming pinaka-iingatang paraiso…kung maari sana…

This special feature talks on the problems and hardships faced by a pupil of St. Therese Day Care Center and it shows their willingness to learn despite all these obstacles.

Gallery »